Member Login

Sariling Wika, Itaguyod

ni Joaquin Sy

(May ilan taon nang nakalipas na inatasan ng dating Pangulo ng Pilipinas ang paggamit ng wikang pambansa sa mga talastasan o komunikasyon sa mga ahensiya at departamento ng pamahalaan. Ang dating Senador Tañada ay iminungkahi rin na gamitin ang Filipino sa mga talakayan at deliberasyon sa Konggresso.)

Mula pa nang ideklara ng yumaong Pangulong Quezon ang Tagalog bilang wikang pambansa, nagsimula na ang pagtatangka sa pagpapalawak sa gamit nito, pero ang pagtatangka’y nanatiling pagtatangka na lamang at pagkatapos ng mahigit na kalahating siglo mula nang magkaroon tayo ng opisyal na wikang pambansa, hindi masasabing kasiya-siya ang mga nagawa at natamo na para sa pagpapalaganap sa wikang ito. Kung malaganap na ang paggamit sa ating sariling wika, sana’y hindi na kailangang magbaba ng atas o magsagawa ng mungkahi hinggil sa bagay na ito.

Maraming dahilan kung bakit bigo ang pagpapalaganap sa ating wikang pambansa. Una’y ang ating kolonyal na kaisipan. Hanggang ngayo’y marami pa ring apo ni Balagtas ang nag-aakalang kabakyaan ang paggamit ng wikang pambansa at ang tunay na edukado o “de-kalidad” na Pilipino ay kailangang maging bihasa sa wika ni Shakespeare at hindi na bale kung garil siya sa sariling wika. Ikalawa’y ang ating rehiyonalismo. Marami tayong kababayang ayaw kumilala sa Filipino bilang wikang pambansa dahil ito raw ay nakabatay lamang sa Tagalog at ang Tagalog umano ay hindi pangunahing wika ng pinakamaraming Pilipino. Ikatlo’y ang paniniwala ng marami nating kababayan na ang Filipino bilang isang wika ay kapos at hindi kumpleto, lalung-lalo na sa pagpapahayag ng mga bagay na teknikal o may kinalaman sa siyensiya.

Dito’y walang balak talakayin ang mga dahilang nabanggit. Itutuon ang pansin sa naging epekto ng hindi natin pagpapalaganap at lubos na pagbibigay-halaga sa ating sariling wika.

Isa sa mga naging pinakamalaking epekto, sa aking palagay, ay ang pagiging kulelat natin sa karera ng mga bansang Asyano tungo sa kaunlarang pang-ekonomiya at panlipunan.

Kung titingnan ang mga bansa at rehiyon sa Asya at maging sa iba pang panig ng mundo na naging matagumpay sa pagpapaunlad sa kanilang ekonomiya at lipunan, makikita na ang mga ito’y pawang gumamit ng sariling wika at hindi alinmang wikang banyaga.

Ang Hapon ay gumamit ng wikang Hapones. Ang Timog Korea ay gumamit ng wikang Koreano. Ang Taiwan nama’y gumamit ng wikang Tsino. Sa madaling sabi, sila’y gumamit ng wikang malapit sa karanasan at mahigpit na nakaugnay sa kasaysayan ng nakararaming mamamayan, isang wikang malapit sa kanilang puso at mas epektibong makapagpapahayag sa kanilang isipa’t damdamin. Samakatuwid ay isang wikang higit na mabisang instrumento ng pagtatalastasan at pagpapasahan ng kaalama’t karunungan dahil bahagi na ng proseso ng pag-iisip ng mga taong gumagamit nito.

Kung tutuusin, ang pagsusulong sa kaunlarang pang-ekonomiya ng isang bansa ay di maaaring iasa lamang sa mga propesyonal, intelektuwal at iilang eksperto o dalubhasa. Mas mahalagang makapag-ambag ng kanilang talino’t kakayahan ang higit na nakararaming mamamayan. Dahil dito’y mahalaga na ang wikang pambansa na siyang wikang naiintindihan at gamay ng nakararami ay maging wika ng siyensiya at teknolohiya at maging ng media o pamamahayag. Ang paggamit ng wikang banyaga bilang pangunahing wika sa mga larangang ito ay nagiging sagabal lamang sa halip na nakatutulong sa pagkatuto at pag-angat ng kakayahan at antas ng pag-iisip ng nakararaming mamamayan.

Tungkol sa sinasabi na ang Filipino bilang isang wika ay kapos at masyadong simple bilang wika ng siyensiya at teknolohiya, maaari nating itanong: aling wika ba ang di nag-umpisa sa pagiging simple at kapos tungo sa pagiging kumpleto at kumplikado? Ang kailangan lang nati’y kapasyahang paunlarin at payabungin ang ating wika. Maaaring mangailangan ito ng matagal-tagal at mahirap-hirap ding proseso, pero kung gugustuhin natin, bakit hindi natin makakaya? Kung napaunlad ng ibang bayan ang kanilang wika, ano’t hindi natin kayang paunlarin ang sa atin?

Maaari pa ring itanong: kung ang ating mga propesyonal at eksperto ay may kakayahang maging bihasa sa paggamit ng wikang banyaga, ano ang dahilan at sila’y di maaaring maging mahusay sa sariling wika? Kung sila’y magiging mahusay sa wikang pambansa at makatutulong sa pagpapaunlad at pagpapalaganap nito, hindi ba’t mas epektibo silang makapagpapasa ng karununga’t kaalaman sa nakararaming mamamayan?

Mula nang ibaba ang atas ng (dating) Pangulo, hindi lang iisang kolumnista ang nagpahayag ng paniniwalang karapat-dapat bigyang-halaga ang paggamit ng wikang Ingles upang ang ating mga propesyonal at manggagawa ay mas madaling makakuha ng trabaho sa ibang bansa. Pero aling bansa na ba ang umunlad (ng tuluyan) sa pamamagitan ng pagluluwas ng mga propesyonal at manggagawa at pakikiamot ng konting dolyar sa mga mas maunlad na bansa? Walang duda na lahat ng mga maunlad na bansa sa alinmang panig ng mundo ay pawang umunlad sa pamamagitan ng pagtutuon ng lakas at talino sa industriya at ekonomiyang pambansa at hindi sa pagsasanay ng mga propesyonal na maaaring iluwas sa ibang bansa kapalit ng konting dolyar.

Dito’y hindi tinututulan ang pag-aaral at paggamit ng Ingles at iba pang wikang banyaga. Ang nais lang bigyang-dii’y ang pagtuturing sa wikang pambansa bilang pangunahing wika sa iba’t ibang aspeto at larangan ng ating buhay bilang mga mamamayan ng isang bansang malaya. Kung ang ating sariling wika’y nailuklok na natin sa pedestal na dapat nitong kalagyan, ano ang mawawala sa atin kung tayo’y mag-aaral at magiging mahusay sa Ingles at iba pang wikang banyaga?

Kung hihiramin ang metaporang ginamit ni Heber Bartolome at ng Banyuhay sa isa nilang awitin, maaari nating sabihin: kapag magaling na tayong kumahol, walang masama kung matuto rin tayong ngumiyaw. Pero nakalulungkot isipin na gayong malapit nang makarating sa buwan ang mga kapatid nating Asyano, tayo’y nakatayo pa rin sa tabi ng mga gabundok na basura at litaw ang mga litid sa leeg na nagtatalo kung tayo’y kakahol o ngingiyaw.

Isinulat noong Oktubre ng 1988 at nailatala kasama sa mga sanaysay sa librong “tamad nga ba si Juan? at iba pang sanaysay at salin ni Joaquin Sy.” Karapatang-ari 1991.

Bookmark with:

Deli.cio.us    Digg    reddit    Facebook    StumbleUpon   

Related Article



FAQ | Terms of Use | Privacy Statement | Disclaimer