Breadcrumbs
HomeWhite Water Rafting
ni Chaste Verano
May ilang buwan ng nakalipas nang ako ay mapadpad sa Cagayan de Oro. May binisita lamang ako roon at may sinamahan. Napaka-unlad pala ng siyudad na ito sa probinsiya ng Misamis Oriental. Sandali lang ang lipad ng eroplano at napakasarap at ginhawa ng biyahe. Pangatlong beses ko nang umabot sa siyudad na ito.
Noong nakaraan ay nabalitaan kong masarap at kakaibang karanasan ang sumakay ng raft sa ilog ng Cagayan at magpadala sa agos ng ilog na ito parang sa mga napapanood ko sa telebisyon sa Colorado River. Ngunit bitin ang panahon ng huling biyahe ko sa Cagayan de Oro kung kaya’t di ako nakasakay sa sinasabing mga raft dito.
Maiksi ang buhay ng tao. Kung kaya’t sinigurado kong makakasakay ako itong pagpunta ko sa CdO. Pagdating pa lang sa CdO ay pina-reserba ko na kaagad sa mga kaibigan ko ang schedule ko sa pagsakay ng raft mula sa mga lokal na organizer. Anim kaming sasakay sa nakasakdal na araw. Aalis kami sa city proper ng alas-ocho ng umaga.
Ang airport ng CdO ay nasa gitna ng kabulubundukan. Paakyat. Aba, papunta sa starting point ng aming sakay ay linampasan pa namin ang airport! Ang taas pala ng aakyatan ng aming sasakyan para abutin ang tinutukoy na ‘starting point!”

Papunta pa lamang duon ay huminto muna kami sa isang kuweba sa tabi ng kalyeng aming tinatahak. Pumasok kami roon. Di kalakian ito ngunit napakadilim sa gitna ng kuweba; walang kailaw-ilaw na tumagos mula sa dalawang dulo ng nasasabing kuweba. Pag abot namin sa dulo ng di-kahabaang kuweba ay tanaw namin sa ilalim ang Cagayan River. May mga apat na palapag ang taas namin mula sa ilog at tanaw namin ang mga lumalangoy sa ilalim. May nakita kaming malaking bato sa gitna ng ilog at duon banda lumalangoy ang aming mga nakita. Ito raw ang aming “end point!”
Umikot kami sa tabi ng kuweba at umabot din pala kami sa aming pinaradang sasakyan. Paakyat pa rin ang takbo ng sasakyan papuntang starting point namin. Lumipas ang mga kinse minutos at pababa na kami sa tabi ng ilog ng Cagayan. Dito pumarada ang napakaraming jeepney na sakay ang mga nakipag-reserba sa organizers na mag-white water rafting nuong umagang iyon.
Ang mga raft ay nakatali sa ibabaw ng mga jeepney na aming sakay at isa-isang binaba ito. Mahigit kumulang mga sampung raft ang tatahak sa Cagayan River na kasama namin. Exciting!

Una ay tinuruan muna kaming paano mag-sagwan para umunsad ang raft at paano lumiko ito. Bawat raft ay mayroong kasamang expert guide na kabisado ang bawat kanto ng ilog na iyon at tagapag-payo kung anong gagawin ng mga sasakay. May señales para sa sagwang mabilis at mayroon namang para hinay-hinay lamang. Dapat ding matutong huwag mag-sagwan sa mga lugar na mabilis na ang takbo ng agos. Ang guide ang tagapag-“steer” ng tatakbuhin ng raft. Napakatibay ng mga raft na puros bago ang itsura at kung tatama sa mga bato-bato ay sasabihin sa iyo ng guide na pabayaan mo lang at walang mangyayari!
Okey okey! Makalipas ang mga kalahating oras na briefing ay handa na kaming lumusob sa Cagayan River at makipagsapalaran sa lakas at misteryo ng kaniyang mga agos. Naka-suot kami ng professional life jackets at helmets. Handa na sa guera!
Sa kalmadong section ng ilog kami nagsimula. Para kalmado rin ang lahat at makiramdam sa banayad na daloy ng ilog. Kaunting praktis at handang-handa na si Don Quixote sa kaniyang adventure!

Labing-anim daw ang dadaanan naming mga rapids! Ito na’t parating na kami sa unang rapid. Aba’y banayad naman pala at suwabe ang pagbagsak ng raft pagkatapos daanan ang rapid. Kayang-kaya naman pala e! Eto na’t parating na ang pangalawang rapid…mas mabilis ng bahagya pero parang sumasakay lamang sa virtual reality ride. May thrill pero hindi yun ang hinahanap ko.
Pagdating sa pangatlong rapid, aba, ay nahanap ko na ang thrill na nakakapagpasigaw sa aming lahat! Totoo pala ang kasabihang “rapido, rapido!” Sa lakas ng agos ay halos tumilapon kami mula sa raft. “Huwag matakot” ani guide. Nakasuksok ang isang paa namin sa raft (may suksokan) at kahit na mahulog kami, walang disgrasya! Bakit? Kahit di ka marunong lumangoy ay lulutang ka sa ganda ng life jackets na pinasuot sa amin. Sa totoo lang ay kasama nga namin si James na hindi marunong lumangoy.

At para di matakot ang mga sumasakay ay sadyang pinabababa ang lahat sa isang yugto ng sakay para lumangoy at maligo sa napakalamig na tubig ng ilog. Bawal ang di mabasa! Bawal ang KJ (killjoy) sa sakay na ito! Sisiguraduhin yan ng mga guide namin. Tatlong taong gulang ang pinakabatang nakasakay sa biyaheng ito at ochenta’y dos años naman sa mga senior citizen.
Napakagaling ng aming mga guide. Di lang nila kabisado ang bawa’t kanto’t liko ng ilog pero alam din nila ang mga paraan para daanan ang isang paikot na rapid, pahaba na rapid at nagwawalang rapid! Tatanungin ka pa kung gusto ng grupong dumaan sa masbanayad na section ng isang rapid o duon sa mas-challenging. Aba siyempre, duon sa mas-challenging. What is an adventure for?! May libreng lecture pa tungkol sa mga klase ng bato, puno, hayop at kalikasan sa kapaligiran habang kayo ay nagsasagwan. Kung baga ay may kasamang lecture on the environment and sustainable development na libre sa “cruise” na ito!
Malakas ang daloy ng tubig nuong araw na kami ay sumakay kung kaya’t nagka-bonus pa kami sa pang-labing-pitong rapid dahil natakpan ng tubig ang isang bato at nagkaroon ng rapid sa parte ng ilog na iyon. Wahooo! Experience of a lifetime! Para akong si Tom Cruise sa Lito na Rapid!

Sa kadulo-duluhan ng aming sakay pagkaraan ng mga dalawa’t kalahating oras ay inabot namin ang lugar na aming unang natuntunan. Ngayon, kami naman ang pinagmamasdan ng mga nasa itaas na kalalabas pa lamang sa kuwebang aming dinaanan.
Kita namin ang malaking bato sa gitna ng ilog. Yun pala ang graduation rite namin. Lahat kami ay aakyat sa bato na yun at tatalon mula sa itaas nito. May dalawampung talampakan ang taas nito. Excited kaming lahat sa aming gagawing passage to manhood. Pero itong si James pala…di lang takot sa tubig, takot din pala sa matataas na lugar! Pag-akyat niya sa bato ay nanginginig ang mga tuhod at ilang beses na umatras at di makatalon.
Kung kaya’t nagmungkahi akong tulungan ko siya. Pag akyat ko at tumayo sa likod niya ay sinabi kong: “Ano James? Tulungan kita, ha? Bibilang ako’t maghanda ka na, ha? O, one…twu-…lakkk!” Ayos, naranasan na rin ni James ang White Water Rafting sa CdO! Sarap!!!

NOTE: Ang white water rafting ay available din sa Davao at Cagayan Valley up north! Kaya kung mamimisita kayo sa mga lugar na ito, gayahin si James at maranasan ang sarap at kakaibang thrill ng white water rafting sa sariling bayan! Napaka- organized ng mga trips na ito (in Cagayan de Oro, at least) and for this, I congratulate the city government of CdO for regulating the number of investors/organizers of this eco-tourist activity and coming up with the proper guidelines and safety requirements in making this a safe, hassle-free and truly enjoyable “unique” event. Bravo!
P900/person regulated fee includes luscious lunch (fresh tuna belly, adobo, etc.), the ride to-and-from your hotel and just about everything else. Oh, and don’t forget to strike a deal with their professional paparazzi who takes really oh-so- clear pictures and videos of you shouting your tonsils out!
